Pahayag 16:2-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Kaya humayo ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng kanyang sisidlan. At nagkaroon ng masasakit at nakapandidiring mga sugat ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito.

3. Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa dagat, at ang dagat ay naging parang dugo ng patay na tao. At namatay ang lahat ng nilalang sa dagat.

4. Pagkatapos, ibinuhos ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo ang lahat ng mga ito.

5. Narinig kong sinabi ng anghel na katiwala sa tubig, “Makatarungan po kayo, Panginoon. Kayo ang Dios noon at kayo rin ang Dios magpahanggang ngayon. Banal kayo, at matuwid ang pagpaparusa ninyong ito sa mga tao.

6. Pinadanak nila ang dugo ng mga pinabanal at ng inyong mga propeta, kaya dugo rin ang ipaiinom nʼyo sa kanila. Ito ang nararapat na ganti sa kanila.”

7. At narinig ko na may sumagot sa altar, “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat, tama at matuwid ang pagpaparusa nʼyo sa mga tao!”

8. Ibinuhos ng ikaapat na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa araw, at naging mainit na mainit ang sikat ng araw kaya napaso ang mga tao.

9. Pero kahit na napaso ang mga tao, hindi pa rin sila nagsisi sa mga kasalanan nila. Hindi rin nila pinapurihan ang Dios, sa halip ay nilapastangan nila ang Dios na nagpadala ng salot na iyon sa kanila.

Pahayag 16