Pahayag 16:12-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa malawak na ilog ng Eufrates. Natuyo ang ilog upang makadaan doon ang hari mula sa silangan.

13. At nakita kong lumabas mula sa bunganga ng dragon, ng halimaw, at ng huwad at sinungaling na propeta, ang tatlong masasamang espiritu na parang mga palaka.

14. Iyon ang mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pumunta sila sa mga hari sa buong mundo upang tipunin sila para sa pakikipaglaban sa Dios pagdating ng dakilang araw na itinakda ng Dios na makapangyarihan sa lahat.

15-16. Ang lugar na pinagtipunan sa kanila at sa kanilang mga sundalo ay tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo. Pero sinabi ng Panginoon, “Makinig kayong mabuti! Darating ako na tulad ng magnanakaw dahil walang nakakaalam. Mapalad ang taong nagbabantay at hindi naghuhubad ng kanyang damit, upang sa pagdating ko ay hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa mga tao.”

17. Ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa hangin. At may narinig akong sumisigaw mula sa trono sa templo, “Naganap na ang lahat!”

18. Pagkatapos, kumidlat, kumulog, umugong at lumindol nang napakalakas. Walang ganoong kalakas na lindol sa buong kasaysayan ng tao. Iyon ang pinakamalakas sa lahat.

19. Ang dakilang lungsod ng Babilonia ay nahati sa tatlo at ang mga lungsod sa lahat ng bansa ay nawasak. Tinupad ng Dios ang sinabi niya tungkol sa mga taong nakatira sa lungsod ng Babilonia, kaya dumating na sa kanila ang parusa ng Dios, dahil sa matinding galit niya.

20. Naglaho ang lahat ng isla at naglaho rin ang mga bundok.

21. Inulan ang mga tao ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng 50 kilo bawat tipak. At nilait ng mga tao ang Dios dahil sa matinding salot na iyon.

Pahayag 16