1. Ang sulat na ito ay tungkol sa mga bagay na inihayag ni Jesu-Cristo na mangyayari sa lalong madaling panahon. Ibinigay ito ng Dios kay Cristo upang maihayag naman sa mga naglilingkod sa Dios. Kaya inihayag ito ni Cristo sa lingkod niyang si Juan sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo. Ako si Juan,
2. at pinapatotohanan ko ang lahat ng nakita ko tungkol sa inihayag ng Dios at sa katotohanang itinuro ni Jesu-Cristo.
3. Mapalad ang bumabasa at ang mga nakikinig sa sulat na ito kung tinutupad nila ang nakasulat dito. Sapagkat ang mga sinasabi rito ay malapit nang mangyari.
6. Ginawa niya tayong mga hari at mga pari upang maglingkod sa Dios na kanyang Ama. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
7. Magsipaghanda kayo! Darating si Jesus na nasa mga ulap. Makikita siya ng lahat ng tao, pati na ng mga pumatay sa kanya. At iiyak ang mga tao sa lahat ng bansa sa mundo dahil sa takot nilang sila ay parurusahan na niya. Totoo ito at talagang mangyayari.
8. Ang Panginoong Dios ang makapangyarihan sa lahat. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at maging sa hinaharap. Kaya sinabi niya, “Ako ang Alpha at ang Omega.”
9. Ako si Juan na kapatid ninyo at kasama sa paghihirap, paghahari, at pagtitiis dahil tayo ay nakay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos dahil sa pangangaral ko ng salita ng Dios at ng katotohanang itinuro ni Jesus.
10. Noong araw ng Panginoon, pinuspos ako ng Banal na Espiritu, at narinig ko ang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta mula sa aking likuran.
11. At ito ang sinabi sa akin, “Isulat mo kung ano ang makikita mo, at ipadala agad sa pitong iglesya: sa Efeso, Smirna, Pergamum, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea.”
12. Nang marinig ko ito, lumingon agad ako upang tingnan kung sino ang nagsasalita sa akin. At nakita ko ang pitong ilawang ginto.
13. Sa gitna ng mga ilawan ay may nakatayong parang Anak ng Tao. Mahaba ang damit niya na umaabot sa kanyang paa, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib.
14. Ang buhok niya ay napakaputi tulad ng telang puting-puti, at ang mga mata niya ay nagbabagang parang apoy.
15. Ang mga paa niya ay kumikinang na parang tansong dinalisay sa apoy at pinakintab. Ang tinig niya ay napakalakas na parang rumaragasang tubig.
16. May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay niya, at lumalabas sa bibig niya ang isang matalas na espada na dalawa ang talim. Ang mukha niya ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang tapat.
17. Nang makita ko siya, napahandusay ako na parang patay sa kanyang paanan. Ipinatong niya agad ang kanang kamay niya sa akin at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang katapusan.
18. Akoʼy buhay magpakailanman. Namatay ako, pero masdan mo, buhay ako, at hindi na muling mamamatay. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang lugar ng mga patay.