Nehemias 6:5-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Sa panglimang beses pinapunta ni Sanbalat sa akin ang alipin niya na may dalang sulat na nakabukas na.

6. At ito ang nakasulat: “Ipinagtapat sa akin ni Geshem na kahit saan siya pumunta ay naririnig niyang ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak mag-alsa, at iyan ang dahilan kung bakit muli ninyong ipinapatayo ang pader. At ayon sa narinig niya, gusto mong maging hari ng mga Judio,

7. at pumili ka pa ng mga propeta na magpoproklama sa iyo sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na malalaman ito ng hari, kaya pumarito ka para pag-usapan natin ang mga bagay na ito.”

8. Ito ang sagot ko sa kanya: “Hindi totoo ang mga sinasabi mo. Gawa-gawa mo lang iyan.”

9. Alam kong tinatakot lang nila kami para mahinto ang paggawa namin. Pero nanalangin ako sa Dios na palakasin pa niya ako.

10. Isang araw, pumunta ako kay Shemaya na anak ni Delaya at apo ni Mehetabel, dahil hindi siya makaalis sa bahay niya. Sinabi niya sa akin, “Magkita tayo sa loob ng templo ng Dios, at ikandado natin ang mga pintuan. Dahil darating ang mga kalaban mo ngayong gabi para patayin ka.”

11. Ngunit sumagot ako, “Gobernador ako, bakit ako lalayo at magtatago sa loob ng templo para iligtas ang buhay ko? Hindi ako magtatago!”

12. Naisip kong hindi nangusap ang Dios sa kanya, kundi inupahan lamang siya nina Sanbalat at Tobia para sabihin iyon sa akin.

13. Gusto lamang nila akong takutin at magkasala sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi ni Shemaya, para hamakin nila ako at pintasan ng mga tao.

14. Kaya nanalangin ako, “O aking Dios, huwag nʼyo pong kalimutan na parusahan si Tobia at si Sanbalat sa kanilang masamang ginawa, pati na ang babaeng propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na naghahangad na takutin ako.”

15. Natapos ang pader noong ika-25 araw ng ikaanim na buwan, na siyang buwan ng Elul. Natapos ito sa loob ng 52 araw.

16. Nang mabalitaan ito ng aming mga kalaban sa kalapit na mga bansa, natakot sila at napahiya. Napag-isip-isip nila na natapos ang gawaing iyon sa pamamagitan ng tulong ng Dios.

Nehemias 6