15. Ngunit ang mga gobernador na nauna sa akin ay naging pasanin ng mga tao, dahil humihingi sila ng pang-araw-araw nilang pagkain at inumin maliban pa sa 40 pirasong pilak. Pati ang mga opisyal nila ay nang-abuso ng mga tao. Pero hindi ko ito ginawa, dahil may takot ako sa Dios.
16. Sa halip, ginawa ko ang lahat para maitayong muli ang pader sa tulong ng mga tauhan ko. At hindi ako nang-angkin ng lupa.
17. Palagi kong pinapakain ang 150 Judiong opisyal bukod pa sa mga bisitang mula sa paligid na mga bansa.
18. Araw-araw akong nagpapakatay ng isang baka, anim na matatabang tupa, at mga manok. At tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng marami at ibaʼt ibang klaseng inumin. Sa kabila nito, hindi ako tumanggap ng pagkaing para sa gobernador, dahil nalaman kong nabibigatan na ang mga tao.
19. Nanalangin ako, “O aking Dios, nawaʼy pagpalain po ninyo ako sa lahat ng ginagawa ko para sa sambayanang ito.”