14. Pagkatapos ay nanalangin ako, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ako at huwag kalimutan ang tapat kong paglilingkod para sa inyong templo at sa mga gawain dito.”
15. Nang oras na iyon, may nakita akong mga taga-Juda na pumipisa ng mga ubas sa Araw ng Pamamahinga. Ang iba sa kanila ay nagkakarga ng mga trigo, alak, ubas, igos, at iba pang mga bagay sa mga asno para dalhin sa Jerusalem at ipagbili. Kaya pinagsabihan ko sila na huwag ipagbili ang mga produkto nila sa Araw ng Pamamahinga.
16. Mayroon ding mga taga-Tyre na nakatira sa Jerusalem na nagdala ng mga isda at iba pang mga kalakal. Ipinagbili nila ito sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem sa araw ding iyon ng Araw ng Pamamahinga.
17. Kaya sinaway ko ang mga pinuno ng Juda at sinabihan, “Ano ba itong ginagawa ninyong kasamaan? Hindi ba ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga?
18. Hindi ba ganito rin ang ginawa ng inyong mga ninuno, kaya tayo at ang lungsod na ito ay pinarusahan ng ating Dios? Ngayon, ginalit pa ninyo nang lubos ang Dios dahil sa ginagawa ninyo, dahil hindi ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga.”
19. Kaya nag-utos ako na isara ang pintuan ng lungsod tuwing Biyernes habang papalubog ang araw, at huwag itong bubuksan hanggaʼt hindi pa natatapos ang Araw ng Pamamahinga. Pinabantayan ko sa mga tauhan ko ang mga pintuan para walang makapasok na kahit anong tinda sa lungsod sa Araw ng Pamamahinga.
20. Kung minsan, ang mga mangangalakal ay natutulog sa labas ng Jerusalem kapag Biyernes ng gabi.
21. Pero binalaan ko sila. Sinabi ko, “Bakit dito kayo natutulog sa pader ng lungsod? Kapag inulit nʼyo pa ito, parurusahan ko kayo.” Kaya mula noon, hindi na sila bumalik sa Araw ng Pamamahinga.
22. Pagkatapos, inutusan ko ang mga Levita na maging malinis at magbantay sa mga pintuan upang ituring na banal ng mga tao ang Araw ng Pamamahinga. At saka ako nanalangin, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ang mga ginawa kong ito, at kaawaan nʼyo ako ayon sa dakila nʼyong pag-ibig.”
23. Nang mga panahon ding iyon, nakita ko na may mga taga-Juda na nakapag-asawa ng mga babaeng taga-Ashdod, taga-Ammon, at taga-Moab.
24. Kalahati sa mga anak nila ay nagsasalita ng wikang Ashdod o sa wika ng ibang tao, at hindi sila makapagsalita ng wika ng Juda.
25. Kaya sinaway ko at sinumpa ang mga taga-Juda. Pinalo ko ang iba sa kanila at hinila ang mga buhok nila. Ipinasumpa ko sila at ang mga anak nila sa pangalan ng Dios na hinding-hindi na sila mag-aasawa ng mga dayuhan.
26. At sinabi ko sa kanila, “Hindi ba ito ang dahilan ng pagkakasala ni Haring Solomon ng Israel? Walang haring katulad niya, saan mang bansa. Minamahal siya ng kanyang Dios, at ginawa siya ng Dios na hari sa buong Israel. Pero sa kabila ng lahat, nagkasala siya dahil sa udyok ng mga asawa niyang dayuhan.