Nehemias 12:31-47 Ang Salita ng Dios (ASND)

31. Dinala ko ang mga pinuno ng Juda sa itaas ng pader, at tinipon ko roon ang dalawang malalaking grupo ng mga mang-aawit para magpasalamat sa Dios. Ang isang grupo naman ay nagmartsa roon sa itaas papunta sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura.

32. Sumusunod sa kanila sina Hosaya at ang kalahati ng mga pinuno ng Juda,

33. kasama rin sina Azaria, Ezra, Meshulam,

34. Juda, Benjamin, Shemaya, Jeremias,

35. at ilang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta. Sumusunod din si Zacarias na anak ni Jonatan. (Si Jonatan ay anak ni Shemaya. Si Shemaya ay anak ni Matania. Si Matania ay anak ni Micaya. At si Micaya ay anak ni Zacur na angkan ni Asaf.)

36. Sumusunod naman kay Zacarias ang mga kasama niyang sina Shemaya, Azarel, Milai, Gilalai, Maai, Netanel, Juda at Hanani. May dala silang mga instrumento katulad ng mga tinutugtog noon ni Haring David na lingkod ng Dios. Ang grupong ito ay pinapangunahan ni Ezra na tagapagturo ng kautusan.

37. Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal, umakyat sila sa daang parang hagdan na papuntang Lungsod ni David. Dumaan sila sa palasyo ni David hanggang makarating sila sa Pintuan ng Tubig, sa gawing silangan ng lungsod.

38. Ang ikalawang grupo ay nagmartsa pakaliwa sa itaas ng pader. Sumunod ako sa grupong ito kasama ang kalahati ng mamamayan. Dumaan kami sa gilid ng Tore na May Hurno papunta sa Malapad na Pader.

39. Mula roon dumaan kami sa Pintuan ni Efraim, sa Lumang Pintuan, sa pintuan na tinatawag na Isda, sa Tore ni Hananel, at sa Tore ng Isang Daan. Pagkatapos, dumaan kami sa pintuan na tinatawag na Tupa at huminto sa may Pintuan ng Guwardya.

40. Ang dalawang grupo na nagpapasalamat sa Dios habang nagmamartsa ay dumiretso sa templo ng Dios. Dumiretso rin ako roon at ang kalahati ng mga opisyal na kasama ko.

41. Naroon din ang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta na sina Eliakim, Maaseya, Mijamin, Micaya, Elyoenai, Zacarias, at Hanania,

42. at ang mga mang-aawit na sina Maaseya, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at Ezer. Sila ang mga mang-aawit na pinamumunuan ni Jezrahia.

43. Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at nagsaya, dahil lubos silang pinagalak ng Dios. Pati ang mga babae at mga bata ay naging masaya rin. Kaya ang ingay ng pagsasaya nila ay naririnig kahit sa malayo.

44. Nang araw ding iyon, naglagay sila ng mga lalaki na mamamahala sa mga bodega na pinaglalagyan ng mga kaloob, ng unang ani, at ng ikapu. Sila ang mangongolekta ng mga handog mula sa mga sakahan sa paligid ng mga bayan para sa mga pari at sa mga Levita, ayon sa Kautusan. Sapagkat natutuwa ang mga mamamayan ng Juda sa mga gawain ng mga pari at ng mga Levita.

45. Ginawa nila ang seremonya sa paglilinis at ang iba pang mga gawain na ipinapatupad sa kanila ng Dios. Ginawa rin ng mga mang-aawit at ng mga guwardya ng mga pintuan ng templo ang mga gawain nila ayon sa mga utos ni Haring David at ng anak niyang si Solomon.

46. Mula pa ng panahon ni Haring David at ni Asaf, mayroon nang mga namumuno sa mga umaawit ng papuri at pasasalamat sa Dios.

47. Kaya noong panahon ni Zerubabel at ni Nehemias, ang lahat ng mga Israelita ay nagbibigay ng mga handog nila para sa mga mang-aawit at mga guwardya ng mga pintuan ng templo, maging sa mga Levita. At mula sa mga natatanggap nila binahaginan din ng mga Levita ang mga paring mula sa angkan ni Aaron.

Nehemias 12