Nahum 1:8-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Para siyang rumaragasang baha na lubusang pupuksain ang kanyang mga kaaway. Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.

9. Mga taga-Asiria, kung ano man ang masamang binabalak ninyo laban sa mga mamamayan ng Panginoon, wawakasan iyan ng Panginoon at hindi na mauulit pa.

10. Para kayong mga lasing na nakapulupot sa matinik na halaman. Lilipulin kayo na parang natutupok na dayami.

11. Ang isa sa inyong mga pinuno ay nagbalak ng masama laban sa mga mamamayan ng Panginoon. Masama ang kanyang ipinapayo.

12. Ito ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Juda: “Kahit na malakas at marami ang kalaban ninyong taga-Asiria, lilipulin ko sila hanggang sa mawala. Kahit na pinarusahan ko kayo, hindi ko na iyon uulitin pang muli.

13. Sapagkat palalayain ko na kayo ngayon mula sa kapangyarihan ng mga taga-Asiria.”

14. Ito naman ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Asiria: “Mawawala ang lahi ninyo at wawasakin ko ang mga rebulto ninyong kahoy o metal sa templo ng inyong mga dios-diosan. Ihahanda ko na ang inyong mga libingan dahil hindi na kayo dapat mabuhay.”

15. Mga taga-Juda, tingnan ninyo ang kabundukan! Dumarating na ang mensaherong maghahatid ng magandang balita ng kapayapaan sa inyong bayan. Kaya ipagdiwang ninyo ang inyong mga pista, at tuparin ninyo ang inyong mga panata sa Panginoon. Sapagkat ang masamang bansa ng Asiria ay hindi na sasalakay sa inyo, dahil lubusan na silang lilipulin.

Nahum 1