4. Ang pinakamabuti sa kanila ay parang dawag na walang silbi. Dumating na ang panahon ng pagpaparusa ng Dios sa mga taong ito, gaya ng kanyang babala sa kanila sa pamamagitan ng mga propeta na parang mga guwardya sa tore. Dumating na ang panahon ng kanilang pagkalito.
5. Dahil sa laganap na ang kasamaan, huwag na kayong magtiwala sa inyong kapwa o sa inyong mga kaibigan. At mag-ingat kayo sa inyong sinasabi kahit na sa inyong mahal na asawa.
6. Sapagkat sa mga panahong ito, ang anak na lalaki ay hindi na gumagalang sa kanyang ama, ang anak na babae ay nagrerebelde sa kanyang ina, at ang manugang na babae ay nagrerebelde rin sa kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao ay ang kanya mismong kapamilya.
7. Pero para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Dios. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin.
8. Sinabi ng mga Israelita, “Hindi tayo dapat kutyain ng ating mga kaaway. Kahit na nadapa tayo, muli tayong babangon. At kahit na nasa kadiliman tayo, ang Panginoon ang ating ilaw.
9. Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon, dapat nating tiisin ang kanyang parusa sa atin hanggang sa ipagtanggol niya tayo at bigyan ng katarungan. Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng pagdala niya sa atin sa kaliwanagan.