Micas 6:5-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Mga mamamayan ko, alalahanin din ninyong sinugo ni Haring Balak ng Moab si Balaam na anak ni Beor para sumpain kayo. Pero pinagsalita ko si Balaam ng mga pagpapala sa inyo. Alalahanin din ninyo kung paano ko kayo tinulungan nang maglakbay kayo mula sa Shitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito para malaman ninyo na iniligtas ko kayo.”

6. Sumagot ang isang Israelita, “Ano ang ihahandog ko sa Panginoon, ang Dios sa langit, kapag sasamba ako sa kanya? Mag-aalay ba ako ng guya bilang handog na sinusunog?

7. Matutuwa kaya ang Panginoon kung hahandugan ko siya ng libu-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?”

8. Sumagot si Micas: Tinuruan tayo ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ito ang nais niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin natin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.

9. Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa lungsod ng Jerusalem, dahil ang taong may takot sa kanya ang siyang may tunay na karunungan:“Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda, magtipon-tipon kayo sa lungsod ng Jerusalem at makinig.

10. Masasama kayong mamamayan! Hindi ko makakalimutan ang mga kayamanang natipon ninyo sa masamang paraan. Gumagamit kayo ng madayang takalan. Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman.

11. Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo sa mga pandaraya ninyo sa inyong timbangan.

12. Malulupit ang mayayaman sa inyo, at mga sinungaling kayo.

13. Kaya sinimulan kong lipulin kayo bilang parusa sa inyong mga kasalanan.

14. Kakain kayo, pero hindi kayo mabubusog; patuloy kayong magugutom. Mag-iimpok kayo ng inyong mga ani, pero hindi ninyo ito mapapakinabangan, sapagkat ipapasamsam ko iyon sa inyong mga kaaway.

15. Magtatanim kayo, pero hindi kayo ang aani. Magpipisa kayo ng mga olibo pero hindi kayo ang makikinabang sa langis nito. Magpipisa rin kayo ng bunga ng inyong mga ubas, pero hindi rin kayo ang iinom ng katas nito.

16. Mangyayari ito sa inyo dahil sinunod ninyo ang masasamang gawa, mga tuntunin, at mga payo ni Haring Omri at ng anak niyang si Haring Ahab. Kaya wawasakin ko kayo; hahamakin kayo at lalaitin ng ibang mga bansa.”

Micas 6