Micas 5:6-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Tatalunin nila at pamumunuan ang Asiria, ang lupain ni Nimrod, sa pamamagitan ng kanilang mga armas. Kaya ililigtas nila tayo kapag sinalakay ng mga taga-Asiria ang ating bansa.

7. Ang mga natitirang Israelita ay magiging pagpapala sa maraming bansa. Magiging tulad sila ng hamog at ulan na ibinibigay ng Panginoon para tumubo ang mga tanim. Magtitiwala sila sa Dios at hindi sa tao.

8. Pero magdadala rin sila ng kapahamakan sa mga bansa. Magiging tulad sila ng leon na matapang sumalakay sa mga hayop sa kagubatan at sa kawan ng mga tupa sa pastulan. Kapag sumalakay ang leon, nilulundagan nito ang kanyang biktima at nilalapa, at hindi ito makakaligtas sa kanya.

9. Magtatagumpay ang mga Israelita laban sa kanilang mga kalaban. Lilipulin nila silang lahat.

10. Sinabi ng Panginoon, “Sa mga araw na iyon, ipapapatay ko ang inyong mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe.

11. Gigibain ko ang inyong mga lungsod pati na ang mga napapaderang lungsod.

12. Sisirain ko ang inyong mga anting-anting at mawawala ang inyong mga mangkukulam.

13. Hindi na kayo sasamba sa mga imahen at sa mga alaalang bato na inyong ginawa, dahil wawasakin ko ang mga ito.

14. Sisirain ko rin ang inyong mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera. At wawasakin ko ang inyong mga lungsod.

15. Sa aking matinding galit, maghihiganti ako sa mga bansang sumuway sa akin.”

Micas 5