12. at ipinakita ko sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain na pumasok ka sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay para muling makakita.”
13. Pero sumagot si Ananias, “Panginoon, marami po akong nababalitaan tungkol sa taong iyon, na malupit siya sa inyong mga pinabanal sa Jerusalem.
14. Narito siya ngayon sa Damascus at binigyan siya ng kapangyarihan ng mga namamahalang pari na hulihin ang lahat ng kumikilala sa iyo.”
15. Pero sinabi ng Panginoon kay Ananias, “Lumakad ka, dahil pinili ko siyang maglingkod sa akin, para ipakilala niya ako sa mga hindi Judio at sa kanilang mga hari, at sa mga Israelita.
16. At ipapakita ko rin sa kanya ang mga paghihirap na dapat niyang danasin para sa akin.”
17. Kaya pinuntahan ni Ananias si Saulo sa bahay na tinutuluyan nito, at pagpasok niya roon ay ipinatong niya ang kanyang kamay kay Saulo. At sinabi niya, “Saulo, kapatid ko sa Panginoon, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus. Siya ang nagpakita sa iyo sa daan nang papunta ka rito. Inutusan niya ako rito para muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.”
18. Biglang may nahulog na parang mga kaliskis ng isda mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita siyang muli. Pagkatapos, tumayo siya at nagpabautismo.
19. Kumain siya at muling lumakas.Nanatili si Saulo ng ilang araw sa Damascus kasama ng mga tagasunod ni Jesus.
20. Pumunta siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niyang si Jesus ang Anak ng Dios.
21. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. Sinabi nila, “Hindi baʼt ito ang taong umuusig sa mga tagasunod ni Jesus doon sa Jerusalem? Hindi baʼt naparito siya para hulihin ang mga kumikilala kay Jesus at dalhin sa mga namamahalang pari?”
22. Lalong humusay ang kakayahan ni Saulo sa pangangaral. At hindi makasagot sa kanya ang mga Judio sa Damascus nang patunayan niyang si Jesus ang Cristo.
23. Pagkalipas ng ilang araw, nagtipon ang mga Judio at nagplanong patayin si Saulo.
24. Araw-gabi nilang inaabangan si Saulo sa mga pintuan ng lungsod upang patayin. Pero may nakapagsabi kay Saulo tungkol sa plano nila.
25. Kaya isang gabi, isinakay siya ng mga tagasunod niya sa malaking kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod.
26. Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, gusto niya sanang makisalamuha sa mga tagasunod ni Jesus, pero takot sila sa kanya. Hindi sila naniniwala na siyaʼy tagasunod na rin ni Jesus.
27. Pero isinama siya ni Bernabe at dinala sa mga apostol. Ikinuwento ni Bernabe sa kanila kung paano nakita ni Saulo ang Panginoong Jesus sa daan at kung ano ang sinabi nito sa kanya. At sinabi rin niya ang katapangan ni Saulo sa pangangaral tungkol kay Jesus doon sa Damascus.