Mga Gawa 7:42-52 Ang Salita ng Dios (ASND)

42. Sa ginawa nilang iyon, tinalikuran sila ng Dios at hinayaan na lang na sumamba sa mga bituin sa langit. Ganito ang isinulat ng mga propeta:‘Kayong mga Israelita, naghandog kayo ng ibaʼt ibang uri ng handog sa loob ng 40 taon doon sa disyerto.Ngunit hindi ako ang inyong pinaghandugan.

43. Dala-dala pa ninyo ang tolda ng inyong dios-diosan na si Molec,at ang bituing imahen ng inyong dios-diosang si Refan.Ginawa ninyo ang mga iyon upang sambahin.Kaya itataboy ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’ ”

44. Sinabi pa ni Esteban, “Nang naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, may tolda sila kung saan naroon ang presensya ng Dios. Ginawa ang Tolda ayon sa utos ng Dios kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya.

45. Nang namatay na ang ating mga ninuno, ang kanilang mga anak naman ang nagdala ng tolda. Ang kanilang pinuno ay si Josue. Napasakanila ang lupain na ipinangako ng Dios matapos itaboy ng Dios ang mga nakatira roon. At nanatili roon ang tolda hanggang sa panahon ng paghahari ni David.

46. Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya.

47. Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.

48. “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

49. ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan?

50. Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”

51. Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno.

52. Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya.

Mga Gawa 7