Mga Gawa 7:30-36 Ang Salita ng Dios (ASND)

30. “Pagkalipas ng 40 taon, may isang anghel na nagpakita kay Moises habang siyaʼy nasa ilang, malapit sa Bundok ng Sinai. Nakita ni Moises ang anghel sa nagliliyab na mababang punongkahoy.

31. Namangha si Moises sa kanyang nakita, kaya nilapitan niya ito para tingnan. Nang papalapit na siya, narinig niya ang tinig ng Panginoon na nagsasabi,

32. ‘Ako ang Dios ng iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nang marinig ito ni Moises, nanginig siya sa takot at hindi na nangahas pang tumingin.

33. Sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo.

34. Nakikita ko ang mga paghihirap na tinitiis ng aking mga mamamayan sa Egipto, at narinig ko rin ang kanilang mga pagtangis. Kaya bumaba ako upang iligtas sila. Ngayon humanda ka, dahil susuguin kita sa Egipto.’

35. “Ito ang Moises na itinakwil noon ng kanyang mga kapwa Israelita na nagsabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin?’ Pero siya ang sinugo ng Dios na maging pinuno at tagapagligtas ng mga Israelita sa tulong ng anghel na kanyang nakita roon sa nagliliyab na mababang punongkahoy.

36. Si Moises ang nanguna sa mga Israelita palabas sa Egipto. Gumawa siya ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto, sa Dagat na Pula, at sa disyerto na kanilang dinaanan sa loob ng 40 taon.

Mga Gawa 7