Mga Gawa 5:7-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Pagkaraan ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa ni Ananias. Wala siyang kamalay-malay sa nangyari sa kanyang asawa.

8. Tinanong siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin ang totoo, ito lang ba ang pinagbilhan ng inyong lupa?” Sumagot si Safira, “Oo, iyan nga ang buong halaga.”

9. Kaya sinabi ni Pedro sa kanya, “Bakit nagkaisa kayong mag-asawa na subukan ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nandiyan na sa pintuan ang mga binata na naglibing sa asawa mo, at bubuhatin ka rin nila para ilibing.”

10. Natumba noon din si Safira sa harapan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na si Safira. Kaya binuhat nila siya palabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa.

11. Dahil sa mga pangyayaring iyon, lubhang natakot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.

12. Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang mga apostol sa mga tao. Laging nagtitipon ang lahat ng mga mananampalataya sa Balkonahe ni Solomon.

13. Kahit na mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao, ang ibaʼy hindi nangahas na sumama sa kanila.

14. Sa kabila nito, nadagdagan pa ang bilang ng mga lalaki at babaeng sumasampalataya sa Panginoon.

15. Dahil sa mga himalang ginawa ng mga apostol, dinala ng mga tao ang mga may sakit sa tabi ng daan at inilagay sa mga higaan, para pagdaan ni Pedro ay madadaanan sila kahit anino man lang nito.

16. Hindi lang iyan, kundi marami ring mga tao mula sa mga kalapit baryo ang dumating sa Jerusalem na may dalang mga may sakit at mga taong sinasaniban ng masamang espiritu. At gumaling silang lahat.

17. Labis na nainggit ang punong pari at ang mga kasama niyang miyembro ng grupong Saduceo.

18. Kaya dinakip nila ang mga apostol at ikinulong.

Mga Gawa 5