Mga Gawa 4:11-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Si Jesus ang tinutukoy na bato sa talatang ito ng Kasulatan: ‘Ang bato na itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’

12. Walang sinuman sa mundong ito ang makapagliligtas sa atin kundi si Jesus lang.”

13. Namangha sila kina Pedro at Juan dahil sa lakas ng loob nilang magsalita, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lang sila at walang mataas na pinag-aralan. Namukhaan din nilang silaʼy mga kasama ni Jesus noon.

14. Magsasalita pa sana sila laban sa himalang ginawa nina Pedro at Juan, pero dahil ang taong pinagaling ay nakatayo mismo sa tabi ng dalawa, wala na silang nasabi.

15. Kaya pinalabas muna nila sina Pedro at Juan sa kanilang pinagtitipunan at nag-usap-usap sila.

16. Sinabi nila, “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat kumalat na ang balita sa buong Jerusalem na nakagawa sila ng himala, at hindi natin ito maikakaila.

17. Kaya para huwag nang kumalat ang kanilang pangangaral sa mga tao, balaan natin sila na huwag nang magturo tungkol kay Jesus.”

18. Ipinatawag nila sina Pedro at Juan at sinabihang huwag nang magsalita o magturo tungkol kay Jesus.

19. Pero sumagot sina Pedro at Juan, “Isipin nga ninyong mabuti kung alin ang tama sa paningin ng Dios: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Dios?

Mga Gawa 4