4. Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”
5. Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan.
6. Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera. Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!”
7. At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong.
8. Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios.
9. Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios.
10. Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.
11. Parang ayaw nang humiwalay ng taong iyon kina Pedro at Juan. Lagi siyang nakahawak sa kanila habang naglalakad sila sa lugar na tinatawag na “Balkonahe ni Solomon.” Nagtakbuhan ang lahat ng tao palapit sa kanila, dahil manghang-mangha sila.
12. Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong mga Israelita, bakit kayo namangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyoʼy napalakad namin ang taong ito dahil sa aming kapangyarihan at kabanalan?
13. Hindi! Ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang parangalan niya ang kanyang lingkod na si Jesus. Ang Jesus na ito ang siyang ibinigay ninyo sa mga may kapangyarihan at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya.