Mga Gawa 28:2-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw.

3. Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay.

4. Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng dios ng katarungan na mabuhay pa siya.”

5. Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano.

6. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!”

7. Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw.

8. Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito.

9. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila.

10. Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay.

11. Matapos ang tatlong buwan na pananatili namin sa isla ng Malta, sumakay kami sa isang barkong nagpalipas doon ng tag-unos. Ang barkong itoʼy galing sa Alexandria, at nakalarawan sa unahan nito ang kambal na dios.

12. Mula sa Malta, pumunta kami sa Syracuse at tatlong araw kami roon.

13. Mula roon, bumiyahe kami hanggang sa nakarating kami sa Regium. Kinabukasan, umihip ang habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli.

Mga Gawa 28