Mga Gawa 27:9-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Nagtagal kami roon hanggang inabot kami ng panahong mapanganib ang pagbibiyahe, dahil nakalipas na ang Araw ng Pag-aayuno. Kaya sinabi ni Pablo sa aming mga kasama,

10. “Ang tantiya ko, mapanganib na kung tutuloy tayo, at hindi lang ang mga karga at ang barko ang mawawala baka pati na rin ang ating buhay.”

11. Pero mas naniwala ang kapitan ng mga sundalo sa sinabi ng kapitan ng barko at ng may-ari nito kaysa sa payo ni Pablo.

12. At dahil sa hindi ligtas sa malakas na hangin ang daungan doon, karamihan sa mga kasama namin ay sumang-ayon na magbiyahe. Nagbakasakali silang makakarating kami sa Fenix at doon magpapalipas ng tag-unos. Sapagkat ang Fenix ay isang daungan sa Crete na may magandang kublihan kung tag-unos.

13. Nang umihip ang mahinang hangin galing sa timog, ang akala ng mga kasamahan namin ay pwede na kaming bumiyahe. Kaya itinaas nila ang angkla at nagbiyahe kaming namamaybay sa isla ng Crete.

14. Hindi nagtagal, bumugso ang malakas na hilagang-silangang hangin mula sa isla ng Crete.

15. Pagtama ng malakas na hangin sa amin, hindi na kami makaabante, kaya nagpatangay na lang kami kung saan kami dalhin ng hangin.

16. Nang nasa bandang timog na kami ng maliit na isla ng Cauda, nakapagkubli kami nang kaunti. Kahit nahirapan kami, naisampa pa namin ang maliit na bangka na dala ng barko para hindi ito mawasak.

17. Nang mahatak na ang bangka, itinali ito nang mahigpit sa barko. Sapagkat natatakot sila na baka sumayad ang barko malapit sa Libya, ibinaba nila ang layag at nagpatangay sa hangin.

18. Tuloy-tuloy pa rin ang malakas na bagyo, kaya kinabukasan, nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.

19. Nang sumunod pang araw, ang mga kagamitan na mismo ng barko ang kanilang itinapon.

20. Sa loob ng ilang araw, hindi na namin nakita ang araw at mga bituin, at tuloy-tuloy pa rin ang bagyo, hanggang sa nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.

21. Ilang araw nang hindi kumakain ang mga tao, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga kaibigan, kung nakinig lang kayo sa akin na hindi tayo dapat umalis sa Crete, hindi sana nangyari sa atin ang mga kahirapan at mga kapinsalaang ito.

Mga Gawa 27