22. Pero ngayon, hinihiling ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob dahil walang mamamatay sa atin. Ang barko lang ang masisira.
23. Sapagkat kagabi, nagpakita sa akin ang isang anghel. Ipinadala siya ng Dios na nagmamay-ari sa akin at aking pinaglilingkuran.
24. Sinabi niya, ‘Pablo, huwag kang matakot. Dapat kang humarap sa Emperador sa Roma. At sa awa ng Dios, ang lahat mong kasama rito sa barko ay maliligtas dahil sa iyo.’
25. Kaya mga kaibigan, huwag na kayong matakot, dahil nananalig ako sa Dios na matutupad ang kanyang sinabi sa akin.
26. Pero ipapadpad tayo sa isang isla.”
27. Ika-14 na ng gabi nang tinangay kami ng bagyo sa Dagat ng Mediteraneo. At nang mga hatinggabi na, tinantiya ng mga tripulante na malapit na kami sa tabi ng dagat.
28. Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 20 dipa ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 15 dipa na lang.
29. At dahil sa takot na bumangga kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana.
30. Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko.
31. Pero sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.”
32. Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.
33. Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Dalawang linggo na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain.
34. Kaya kumain na kayo upang lumakas kayo, dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.”