Mga Gawa 26:21-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Judio roon sa templo at tinangkang patayin.

22. Pero tinulungan ako ng Dios hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari:

23. na ang Cristo ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan upang magbigay ng liwanag sa mga Judio at sa mga hindi Judio.”

24. Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!”

25. Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko.

26. Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang.

27. Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.”

28. Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.”

29. Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”

30. Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon.

31. Nang lumabas sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.”

Mga Gawa 26