Mga Gawa 26:18-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. para imulat ang kanilang mata at dalhin sila mula sa kadiliman papunta sa liwanag, at mula sa kapangyarihan ni Satanas papunta sa Dios. At sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa akin, patatawarin sila sa kanilang mga kasalanan, at mapapabilang na sila sa mga taong itinuring ng Dios na sa kanya.’

19. “Kaya Haring Agripa, sinunod ko po ang pangitain na ipinakita sa akin mula sa langit.

20. Ang una kong ginawa ay nangaral ako sa Damascus at pagkatapos ay sa Jerusalem. Mula sa Jerusalem inikot ko ang buong Judea, at pinuntahan ko rin ang mga hindi Judio. Pinangaralan ko sila na dapat silang magsisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Dios, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na silaʼy totoong nagsisisi.

21. Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Judio roon sa templo at tinangkang patayin.

22. Pero tinulungan ako ng Dios hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari:

23. na ang Cristo ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan upang magbigay ng liwanag sa mga Judio at sa mga hindi Judio.”

24. Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!”

25. Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko.

Mga Gawa 26