Mga Gawa 24:6-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Kahit ang templo namin ay tinangka niyang dungisan. Kaya hinuli namin siya. [Hahatulan na sana namin siya ayon sa aming Kautusan,

7. pero dumating ang kumander na si Lysias at sapilitan niyang kinuha sa amin si Pablo.

8. At sinabi niya na kung sino ang may akusasyon laban kay Pablo ay kinakailangang pumunta sa inyo.] Kung iimbestigahan nʼyo ang taong ito, malalaman nʼyo ang lahat ng inaakusa namin sa kanya.”

9. At sinang-ayunan din ng mga Judio ang lahat ng sinabi ni Tertulus.

10. Sinenyasan ng gobernador si Pablo na siya naman ang magsalita. Kaya nagsalita si Pablo, “Alam kong matagal na po kayong naging hukom sa bansang ito. Kaya ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa inyong harapan.

11. Kung mag-iimbestiga kayo, malalaman ninyo na 12 araw pa lang ang nakalipas nang dumating ako sa Jerusalem para sumamba.

12. Ang mga Judiong itoʼy hindi kailanman nakakita sa akin na nakikipagdiskusyon kahit kanino o kayaʼy nanggulo sa templo o sa sambahan ng mga Judio, o kahit saan sa Jerusalem.

13. Hindi nga po nila mapapatunayan sa inyo na totoo ang kanilang akusasyon sa akin.

14. Pero inaamin kong sinasamba ko ang Dios ng aming mga ninuno sa pamamaraan na ayon sa mga taong ito ay maling sekta. Pero naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan ni Moises at sa lahat ng isinulat ng mga propeta.

15. Ang pag-asa ko sa Dios ay katulad din ng pag-asa nila, na ang lahat ng tao, mabuti man o masama, ay muli niyang bubuhayin.

16. Kaya pinagsisikapan ko na laging maging malinis ang aking konsensya sa harap ng Dios at sa mga tao.

Mga Gawa 24