13. Hindi nga po nila mapapatunayan sa inyo na totoo ang kanilang akusasyon sa akin.
14. Pero inaamin kong sinasamba ko ang Dios ng aming mga ninuno sa pamamaraan na ayon sa mga taong ito ay maling sekta. Pero naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan ni Moises at sa lahat ng isinulat ng mga propeta.
15. Ang pag-asa ko sa Dios ay katulad din ng pag-asa nila, na ang lahat ng tao, mabuti man o masama, ay muli niyang bubuhayin.
16. Kaya pinagsisikapan ko na laging maging malinis ang aking konsensya sa harap ng Dios at sa mga tao.
17. “Pagkalipas ng ilang taon na wala po ako sa Jerusalem, bumalik ako roon para magdala ng tulong para sa aking mahihirap na kababayan, at para maghandog sa templo.
18. At nadatnan nila ako roon sa templo na naghahandog matapos kong gawin ang seremonya ng paglilinis. Kakaunti lang ang mga tao sa templo nang oras na iyon, at walang kaguluhan.
19. Pero may mga Judio roon na galing sa lalawigan ng Asia. Sila sana ang dapat humarap sa inyo kung talagang may akusasyon sila laban sa akin.
20. At dahil wala sila rito, ang mga tao na lang na naririto ang magsalita kung anong kasalanan ang nakita nila sa akin nang imbestigahan ako sa kanilang Korte.
21. Sapagkat wala akong ibang sinabi sa harapan nila kundi ito: ‘Inaakusahan ninyo ako ngayon dahil naniniwala ako na muling bubuhayin ang mga patay.’ ”