Mga Gawa 24:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Makalipas ang limang araw, pumunta sa Cesarea si Ananias na punong pari. Kasama niya ang ilang pinuno ng mga Judio at ang abogadong si Tertulus. Humarap sila kay Gobernador Felix at sinabi nila sa kanya ang kanilang akusasyon laban kay Pablo.

2. Pagkatawag kay Pablo, inumpisahan ni Tertulus ang pag-aakusa sa kanya. Sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador, dahil sa inyong magandang pamamalakad, naging mapayapa ang aming bansa. At maraming pagbabagong naganap na nakabuti sa aming bansa.

3. Kaya lubos ang pasasalamat namin sa inyo at hindi namin ito makakalimutan.

4. Ngayon, hindi namin gustong maabala kayo, kaya nakikiusap po ako na kung maaariʼy pakinggan ninyo ang maikli naming salaysay.

5. Nakita namin na ang taong itoʼy nakakaperwisyo. Nagdadala siya ng kaguluhan sa mga Judio sa buong mundo, at namumuno siya sa sekta na tinatawag na Nazareno.

6. Kahit ang templo namin ay tinangka niyang dungisan. Kaya hinuli namin siya. [Hahatulan na sana namin siya ayon sa aming Kautusan,

7. pero dumating ang kumander na si Lysias at sapilitan niyang kinuha sa amin si Pablo.

8. At sinabi niya na kung sino ang may akusasyon laban kay Pablo ay kinakailangang pumunta sa inyo.] Kung iimbestigahan nʼyo ang taong ito, malalaman nʼyo ang lahat ng inaakusa namin sa kanya.”

9. At sinang-ayunan din ng mga Judio ang lahat ng sinabi ni Tertulus.

10. Sinenyasan ng gobernador si Pablo na siya naman ang magsalita. Kaya nagsalita si Pablo, “Alam kong matagal na po kayong naging hukom sa bansang ito. Kaya ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa inyong harapan.

Mga Gawa 24