8. Nangyari iyon dahil ayon sa mga Saduceo walang muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala na may mga anghel o may mga espiritu. Pero ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Pariseo.
9. Kaya ang nangyari, lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilang mga tagapagturo ng Kautusan na mga Pariseo at mariin nilang sinabi, “Wala kaming makitang kasalanan sa taong ito. Baka may espiritu o kayaʼy anghel na nakipag-usap sa kanya!”
10. Lalong uminit ang kanilang pagtatalo, hanggang sa natakot ang kumander na baka pagtulung-tulungan ng mga tao si Pablo. Kaya nag-utos siya sa kanyang mga sundalo na bumaba at kunin si Pablo sa mga tao at dalhin sa kampo.
11. Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Huwag kang matakot! Sapagkat kung paano ka nagpahayag tungkol sa akin dito sa Jerusalem, ganoon din ang gagawin mo sa Roma.”
14. Pagkatapos, pumunta sila sa mga namamahalang pari at sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Nanumpa kami na hindi kami kakain ng kahit ano hanggaʼt hindi namin napapatay si Pablo.
15. Kaya hilingin ninyo at ng Korte sa kumander ng mga sundalong Romano na gusto ninyong papuntahin ulit dito sa inyo si Pablo. Sabihin ninyo na gusto ninyong imbestigahan nang mabuti si Pablo. Pero bago pa siya makarating dito, papatayin namin siya.”
16. Pero ang plano nilaʼy narinig ng pamangking lalaki ni Pablo, na anak ng kapatid niyang babae. Kaya pumunta siya sa kampo ng mga sundalo at ibinalita ito kay Pablo.
17. Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan doon at sinabi, “Dalhin ninyo ang binatilyong ito sa kumander, dahil may sasabihin siya sa kanya.”
18. Kaya dinala siya ng kapitan sa kumander. Pagdating nila roon, sinabi ng kapitan, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at nakiusap na dalhin ko rito sa iyo ang binatilyong ito, dahil may sasabihin daw siya sa iyo.”
19. Hinawakan ng kumander ang kamay ng binatilyo, at dinala siya sa lugar na walang ibang makakarinig. At tinanong niya, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?”
20. Sinabi ng binatilyo, “Nagkasundo ang mga Judio na hilingin sa inyo na dalhin si Pablo sa Korte bukas, dahil iimbestigahan daw nila nang mabuti.
21. Pero huwag po kayong maniwala sa kanila, dahil mahigit 40 tao ang nagbabantay na tatambang sa kanya. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. Nakahanda na sila at naghihintay na lang ng pahintulot ninyo.”
22. Sinabi ng kumander sa kanya, “Huwag mong sasabihin kahit kanino na ipinaalam mo ito sa akin.” At pinauwi niya ang binatilyo.