Mga Gawa 22:11-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damascus.

12. “Doon sa Damascus, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Dios at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Judiong naninirahan doon.

13. Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias.

14. Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at para makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Jesus.

15. Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig.

16. Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon para maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”

17. “Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa templo, nagkaroon ako ng pangitain.

18. Nakita ko si Jesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’

19. Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sambahan ng mga Judio para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo?

20. At nang patayin si Esteban na iyong saksi, naroon ako at sumasang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbabantay ng mga damit ng mga pumapatay sa kanya.’

21. Pero sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar para ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga hindi Judio!’ ”

22. Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!”

23. Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at inihahagis ang alikabok paitaas.

24. Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng kampo at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya.

25. Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?”

26. Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!”

27. Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?” “Opo,” sagot ni Pablo.

28. Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.” Sumagot si Pablo, “Pero akoʼy isinilang na isang Romano!”

Mga Gawa 22