4. Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem.
5. Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin.
6. Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.
7. Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw.
8. Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol.
9. Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta.
10. Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea.
11. Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.”
12. Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem.
13. Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.”