27. Sapagkat wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa buong layunin at plano ng Dios.
28. Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng mga mananampalatayang pinababantayan sa inyo ng Banal na Espiritu. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Dios na kanyang tinubos sa pamamagitan ng sariling dugo.
29. Sapagkat alam kong pagkaalis koʼy may mga tagapagturo riyan na katulad ng mga lobo na papasok sa inyo at sisira sa inyong grupo.
30. Darating din ang panahon na may magtuturo ng kasinungalingan mula mismo sa inyong grupo at ililigaw nila ang mga tagasunod ni Jesus para sila ang kanilang sundin.
31. Kaya mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong sa loob ng tatlong taon, walang tigil ko kayong pinaalalahanan araw at gabi nang may pagluha.
32. “At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Dios at sa kanyang salita na tungkol sa kanyang biyaya. Makapagpapatibay ito sa inyong pananampalataya at makapagbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Dios para sa lahat ng taong itinuring niyang sa kanya.
33. Hindi ko hinangad ang inyong mga kayamanan at mga damit.
34. Alam ninyong nagtrabaho ako para matustusan ang mga pangangailangan namin ng aking mga kasamahan.
35. Ginawa ko ito upang maipakita sa inyo na sa ganitong pagsusumikap ay matutulungan natin ang mga dukha. Lagi nating alalahanin ang sinabi ng Panginoong Jesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”
36. Pagkatapos magsalita ni Pablo, sama-sama silang lumuhod at nanalangin.
37. Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan.
38. Labis nilang ikinalungkot ang sinabi ni Pablo na hindi na sila magkikitang muli. Pagkatapos, inihatid nila si Pablo sa barko.