2. Maraming lugar ang kanyang pinuntahan sa Macedonia, at pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Pagkatapos, pumunta siya sa Grecia,
3. at nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang bibiyahe na sana siya papuntang Syria, nalaman niya ang plano ng mga Judio na patayin siya. Kaya nagpasya siyang bumalik at sa Macedonia dumaan.
4. Sumama sa kanya si Sopater na taga-Berea na anak ni Pyrhus, sina Aristarcus at Secundus na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tykicus at Trofimus na mga taga-Asia.
5. Pagdating namin sa Filipos, nauna sila sa amin sa Troas at doon nila kami hinintay.
6. Pinalampas muna namin ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa bago kami bumiyahe galing sa Filipos. Limang araw ang biyahe namin at nagkita kaming muli sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.
7. Nang Sabado ng gabi, nagtipon kami sa paghahati-hati ng tinapay. At dahil bibiyahe si Pablo kinabukasan, nangaral siya hanggang hatinggabi.
8. Maraming ilaw sa itaas ng silid na pinagtitipunan namin.
9. May isang binata roon na ang pangalan ay Euticus na nakaupo sa bintana. At dahil sa haba ng pagsasalita ni Pablo, inantok siya at nakatulog nang mahimbing, at nahulog siya sa bintana mula sa pangatlong palapag. Patay na siya nang buhatin nila.
10. Pero bumaba si Pablo at dinapaan niya si Euticus at niyakap. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag kayong mag-alala, buhay siya!”
11. At bumalik si Pablo sa itaas, hinati-hati ang tinapay at kumain. Pagkatapos, nangaral pa siya hanggang madaling-araw. At saka siya umalis.
12. Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buhay, at lubos silang natuwa.