11. At bumalik si Pablo sa itaas, hinati-hati ang tinapay at kumain. Pagkatapos, nangaral pa siya hanggang madaling-araw. At saka siya umalis.
12. Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buhay, at lubos silang natuwa.
13. Sumakay kami ng barko papuntang Asos. Doon namin tatagpuin si Pablo, dahil sinabi niyang maglalakad lang siya papunta roon.
14. Nang magkita kami sa Asos, pinasakay namin siya at pumunta kami sa Mitilene.
15. Mula sa Mitilene, tumuloy kami sa Kios, at nakarating kami roon kinabukasan. Nang sumunod na araw, nasa Samos na kami, at makaraan ang isa pang araw ay narating namin ang Miletus.
16. Hindi kami dumaan sa Efeso, dahil ayaw ni Pablo na maggugol ng oras sa lalawigan ng Asia. Nagmamadali siya dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem bago dumating ang Araw ng Pentecostes.
17. Habang nasa Miletus si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga namumuno sa iglesya na makipagkita sa kanya.
18. Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula nang dumating ako sa lalawigan ng Asia.
19. Naglingkod ako sa Panginoon nang may kapakumbabaan at pagluha. Maraming kahirapan ang tiniis ko dahil sa masasamang balak ng mga Judio laban sa akin.
20. Alam din ninyo na wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikabubuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay.
21. Pinaalalahanan ko ang mga Judio at mga hindi Judio na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Dios, at sumampalataya sa ating Panginoong Jesus.
22. Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Banal na Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon.