19. Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.
20. Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon.
21. Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ”
22. Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo.
23. Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus.
24. Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya.
25. Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya,‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba.
26. Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios.At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako.
27. Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan.Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod.
28. Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay,at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’
29. “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ni David ang kanyang sarili, dahil ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing.