Mga Gawa 19:9-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Pero ang iba sa kanilaʼy matigas talaga ang ulo at ayaw maniwala, at siniraan nila sa publiko ang pamamaraan ni Jesus. Kaya umalis si Pablo sa kanilang sambahan kasama ang mga tagasunod ni Jesus, at araw-araw ay pumupunta siya sa paaralan ni Tyranus para ipagpatuloy ang pakikipagdiskusyon sa harap ng madla.

10. Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Judio at hindi Judio ay nakarinig ng salita ng Dios.

11. Maraming pambihirang himala ang ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Pablo.

12. Kahit mga panyo at mga epron na ginagamit niya ay dinadala sa mga may sakit at gumagaling sila, at lumalabas din ang masasamang espiritu.

13. May ilang mga Judio roon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus para palabasin ang masasamang espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!”

14. Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva. Si Esceva ay isa sa mga namamahalang pari.

15. Sinusubukan nilang palabasin ang masamang espiritu sa pangalan ni Jesus. Pero sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, ganoon din si Pablo, pero sino naman kayo?”

16. At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamang espiritu at sinaktan. Wala silang magawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan.

17. Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng lahat ng Judio at mga hindi Judio na nakatira roon sa Efeso. Natakot sila, at lalo pang naparangalan ang pangalan ng Panginoong Jesus.

18. Marami sa mga sumasampalataya ang lumapit at nagtapat ng kanilang masasamang gawain.

19. At marami ring mga salamangkero ang nagdala ng kanilang aklat at sinunog nila mismo ang mga ito sa harap ng lahat. Ang halaga ng mga aklat na sinunog ay umabot ng ilang milyon.

20. Dahil sa pangyayaring ito, lalo pang lumaganap ang kapangyarihan ng salita ng Dios.

Mga Gawa 19