Mga Gawa 16:31-40 Ang Salita ng Dios (ASND)

31. Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya.”

32. At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Dios sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya.

33. Nang gabing iyon, hinugasan ng guwardya ang kanilang mga sugat at nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya.

34. Pagkatapos, isinama niya sina Pablo sa kanyang bahay at pinakain. Natuwa ang guwardya at ang kanyang buong pamilya na silaʼy sumasampalataya na sa Dios.

35. Kinaumagahan, nag-utos ang mga opisyal sa mga pulis na palayain na sina Pablo.

36. At itoʼy ibinalita ng guwardya kay Pablo. Sinabi niya, “Nagpautos ang mga opisyal na palayain na kayo. Kaya maaari na kayong lumabas at umalis nang mapayapa.”

37. Pero sinabi ni Pablo sa mga pulis na inutusan, “Nilabag ng mga opisyal ang kautusan ng Roma dahil ipinahagupit nila kami sa publiko at ipinabilanggo nang walang paglilitis, kahit na mga Romano kami. At ngayon gusto nilang palayain kami nang palihim. Hindi maaari! Sila mismong mga opisyal ang dapat pumunta rito at magpalaya sa amin.”

38. Kaya bumalik ang mga pulis sa mga opisyal at ipinaalam sa kanila ang sinabi ni Pablo. Nang malaman nilang mga Romano pala sina Pablo, natakot sila.

39. Kaya pumunta ang mga opisyal sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos, pinalabas sila at pinakiusapang umalis na sa lungsod na iyon.

40. Nang makalabas na sina Pablo at Silas sa bilangguan, pumunta sila kaagad sa bahay ni Lydia. Nakipagkita sila roon sa mga kapatid, at pinalakas nila ang pananampalataya ng mga ito. Pagkatapos, umalis na sila.

Mga Gawa 16