Mga Gawa 16:13-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, lumabas kami sa lungsod at pumunta sa tabi ng ilog sa pag-aakalang may lugar doon na pinagtitipunan ng mga Judio para manalangin. Nagkataong may mga babaeng nagtitipon doon, kaya nakiupo kami at nakipag-usap sa kanila.

14. Isa sa mga nakikinig sa amin ay si Lydia na taga-Tyatira. Siyaʼy isang negosyante ng mga mamahaling telang kulay ube, at sumasamba siya sa Dios. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso para tanggapin ang mga sinasabi ni Pablo.

15. Nagpabautismo siya at ang kanyang pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung naniniwala kayo na ako ay isa nang tunay na mananampalataya sa Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking bahay.” At nakumbinsi niya kaming tumuloy sa bahay nila.

16. Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula.

17. Palagi kaming sinusundan ng babaeng ito at ganito ang kanyang isinisigaw, “Ang mga taong ito ay mga lingkod ng Kataas-taasang Dios! Ipinangangaral nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18. Araw-araw, iyon ang ginagawa niya hanggang sa nainis na si Pablo. Kaya hinarap niya ang babae at sinabi sa masamang espiritung nasa kanya, “Sa pangalan ni Jesu-Cristo, inuutusan kitang lumabas sa kanya!” At agad namang lumabas ang masamang espiritu.

19. Nang makita ng kanyang mga amo na nawalan sila ng pagkakakitaan, hinuli nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sa plasa para iharap sa mga opisyal ng lungsod.

Mga Gawa 16