Mga Gawa 16:1-6 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Nagpatuloy sina Pablo sa paglalakbay sa Derbe at Lystra. May tagasunod ni Jesus doon sa Lystra na ang pangalan ay Timoteo. Ang kanyang ina ay Judio at mananampalataya rin, pero ang kanyang ama ay Griego.

2. Ayon sa mga kapatid doon sa Lystra at sa Iconium, si Timoteo ay mabuting tao.

3. Gusto ni Pablo na isama si Timoteo, kaya tinuli niya ito para walang masabi ang mga Judio laban kay Timoteo, dahil ang lahat ng Judio na nakatira sa lugar na iyon ay nakakaalam na Griego ang ama nito.

4. Pagkatapos, pinuntahan nila ang mga bayan at ipinaalam nila sa mga mananampalataya ang mga patakarang napagkasunduan ng mga apostol at ng mga namumuno sa iglesya sa Jerusalem. Sinabihan nila ang mga mananampalataya na sundin ang mga patakarang ito.

5. Kaya lalong tumibay ang pananampalataya ng mga iglesya, at araw-araw ay nadadagdagan pa ang bilang ng mga mananampalataya.

6. Pumunta sina Pablo sa mga lugar na sakop ng Frigia at Galacia, dahil hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita ng Dios sa lalawigan ng Asia.

Mga Gawa 16