Mga Gawa 13:9-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Pero si Saulo na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu, at tinitigan niyang mabuti si Elimas, at sinabi,

10. “Anak ka ng diyablo! Kalaban ka ng lahat ng mabuti! Panay pandaraya at panloloko ang ginagawa mo. Lagi mo na lang binabaligtad ang mga tamang pamamaraan ng Panginoon.

11. Parurusahan ka ngayon ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi makakakita sa loob ng ilang araw.” Dumilim kaagad ang paningin ni Elimas at nabulag siya. Pakapa-kapa siyang nanghagilap ng taong aakay sa kanya.

12. Nang makita ng gobernador ang nangyari kay Elimas, sumampalataya siya, at namangha sa mga katuruan tungkol sa Panginoon.

13. Umalis sina Pablo sa Pafos at bumiyahe papuntang Perga na sakop ng Pamfilia. Pagdating nila roon, iniwan sila ni Juan Marcos, at bumalik siya sa Jerusalem.

14. Sina Pablo ay tumuloy sa Antioc na sakop ng Pisidia. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at naupo roon.

15. May nagbasa mula sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta. Pagkatapos, nag-utos ang namumuno sa sambahan na sabihin ito kina Pablo: “Mga kapatid, kung may sasabihin kayo na makapagpapalakas-loob sa mga tao, sabihin ninyo.”

16. Kaya tumayo si Pablo, at sinenyasan niya ang mga tao na makinig sa kanya. Sinabi niya, “Mga kapwa kong mga Israelita, at kayong mga hindi Israelita na sumasamba rin sa Dios, makinig kayo sa akin!

17. Ang Dios na sinasamba nating mga Israelita ang siyang pumili sa ating mga ninuno. Pinadami niya sila noong nasa Egipto pa sila nakatira. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinulungan niya sila para makaalis sa Egipto.

18. Sa loob ng 40 taon, pinagtiyagaan niya sila roon sa disyerto.

19. Pagkatapos, nilipol niya ang pitong bansa sa Canaan, at ibinigay niya ang mga lupain ng mga ito sa ating mga ninuno.

20. Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios sa loob ng 450 taon.“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga taong namuno sa kanila hanggang sa panahon ni Propeta Samuel.

21. Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Dios si Saul na anak ni Kish, na mula sa lahi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng 40 taon.

22. Nang alisin ng Dios si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Dios: ‘Nagustuhan ko si David na anak ni Jesse. Susundin niya ang lahat ng iuutos ko sa kanya.’ ”

Mga Gawa 13