Mga Gawa 13:31-47 Ang Salita ng Dios (ASND)

31. At sa loob ng maraming araw, nagpakita siya sa mga taong sumama sa kanya nang umalis siya sa Galilea papuntang Jerusalem. Ang mga taong iyon ang siya ring nangangaral ngayon sa mga Israelita tungkol kay Jesus.

32. At narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Dios sa ating mga ninuno,

33. na tinupad niya ngayon sa atin nang muli niyang buhayin si Jesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Salmo,‘Ikaw ang aking anak, at ipapakita ko ngayon na ako ang iyong Ama.’

34. Ipinangako na noon pa ng Dios na bubuhayin niya si Jesus, at ang kanyang katawan ay hindi mabubulok, dahil sinabi niya,‘Ang mga ipinangako ko kay David ay tutuparin ko sa iyo.’

35. At sinabi pa sa isa pang Salmo,‘Hindi ka papayag na mabulok ang katawan ng iyong tapat na lingkod.’

36. Hindi si David ang tinutukoy dito, dahil nang matapos ni David ang ipinapagawa sa kanya ng Dios na maglingkod sa kanyang henerasyon, namatay siya at inilibing sa tabi ng kanyang mga ninuno, at ang kanyang katawan ay nabulok.

37. Ngunit si Jesus na muling binuhay ng Dios ay hindi nabulok.

38-39. Kaya nga mga kapatid, dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na patatawarin tayo ng Dios sa ating mga kasalanan. Ang sinumang sumasampalataya kay Jesus ay itinuturing ng Dios na matuwid. Hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ni Moises.

40. Kaya mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41. ‘Kayong mga nangungutya, mamamangha kayo sa aking gagawin.Mamamatay kayo dahil mayroon akong gagawin sa inyong kapanahunan, na hindi ninyo paniniwalaan kahit na may magsabi pa sa inyo.’ ”

42. Nang palabas na sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio, inimbitahan sila ng mga tao na muling magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga.

43. Pagkatapos ng pagtitipon, maraming Judio at mga taong lumipat sa relihiyon ng mga Judio ang sumunod kina Pablo at Bernabe. Pinangaralan sila nina Pablo at Bernabe at pinayuhan na ipagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa biyaya ng Dios.

44. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng naninirahan sa Antioc ay nagtipon sa sambahan ng mga Judio para makinig sa salita ng Panginoon.

45. Nang makita ng mga pinuno ng mga Judio na maraming tao ang dumalo, nainggit sila. Sinalungat nila si Pablo at pinagsalitaan nang hindi maganda.

46. Pero buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe, “Dapat sanaʼy sa inyo munang mga Judio ipapangaral ang salita ng Dios. Ngunit dahil tinanggihan ninyo ito, nangangahulugan lang na hindi kayo karapat-dapat bigyan ng buhay na walang hanggan. Kaya mula ngayon, sa mga hindi Judio na kami mangangaral ng Magandang Balita.

47. Sapagkat ito ang utos ng Panginoon sa amin:‘Ginawa kitang ilaw sa mga hindi Judio, upang sa pamamagitan mo ang kaligtasan ay makarating sa buong mundo.’ ”

Mga Gawa 13