Mga Gawa 13:22-33 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Nang alisin ng Dios si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Dios: ‘Nagustuhan ko si David na anak ni Jesse. Susundin niya ang lahat ng iuutos ko sa kanya.’ ”

23. Sinabi pa ni Pablo sa mga tao, “Sa angkan ni David nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Dios sa Israel.

24. Bago pa magsimula si Jesus sa kanyang gawain, nangaral si Juan sa lahat ng Israelita na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo.

25. At nang malapit nang matapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Marahil, iniisip ninyong ako na nga ang inyong hinihintay. Hindi ako iyon! Pinauna lang ako. Susunod siya sa akin, at sa katunayan hindi ako karapat-dapat man lang na maging alipin niya.’

26. “Mga kapatid, na mula sa lahi ni Abraham at mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios, tayo ang pinadalhan ng Dios ng Magandang Balita tungkol sa kaligtasan.

27. Pero ang mga Judiong nakatira sa Jerusalem at ang kanilang mga pinuno ay hindi kumilala kay Jesus bilang Tagapagligtas. Hindi rin nila nauunawaan ang sinasabi ng mga propeta na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Pero sila na rin ang tumupad sa mga ipinahayag ng mga propeta nang hatulan nila si Jesus ng kamatayan.

28. Kahit wala silang matibay na ebidensya para patayin siya, hiniling pa rin nila kay Pilato na ipapatay si Jesus.

29. Nang magawa na nila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan na mangyari kay Jesus, kinuha nila siya sa krus at inilibing.

30. Pero muli siyang binuhay ng Dios.

31. At sa loob ng maraming araw, nagpakita siya sa mga taong sumama sa kanya nang umalis siya sa Galilea papuntang Jerusalem. Ang mga taong iyon ang siya ring nangangaral ngayon sa mga Israelita tungkol kay Jesus.

32. At narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Dios sa ating mga ninuno,

33. na tinupad niya ngayon sa atin nang muli niyang buhayin si Jesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Salmo,‘Ikaw ang aking anak, at ipapakita ko ngayon na ako ang iyong Ama.’

Mga Gawa 13