Mga Gawa 11:5-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Sinabi niya, “Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, may ipinakita sa akin ang Dios. Nakita ko ang parang malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinaba sa tabi ko.

6. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad kasama na rito ang mababangis, mga gumagapang, at mga lumilipad.

7. At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’

8. Pero sumagot ako, ‘Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.’

9. Pagkatapos, muling nagsalita ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang kahit na anong bagay na nilinis na ng Dios.’

10. Tatlong beses naulit ang pangyayaring ito, at pagkatapos ay hinila na pataas ang kumot.

11. Nang mga oras ding iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaki na galing sa Cesarea. Inutusan sila na sunduin ako.

12. Sinabi ng Banal na Espiritu sa akin na huwag akong mag-alinlangang sumama sa kanila. At nang umalis na kami papunta sa bahay ni Cornelius sa Cesarea, sumama sa akin itong anim na kapatid natin na taga-Jopa.

13. Pagpasok namin doon, ikinuwento ni Cornelius sa amin na may nakita siyang anghel sa loob ng kanyang bahay na nagsabi sa kanya, ‘Magsugo ka sa Jopa para sunduin si Simon na tinatawag na Pedro.

14. Sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang iyong buong pamilya.’

Mga Gawa 11