Mga Gawa 10:17-33 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod,

18. tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro.

19. Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo.

20. Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.”

21. Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?”

22. Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.”

23. Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa.

24. Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo.

25. Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya.

26. Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.”

27. At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon.

28. Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman.

29. Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”

30. Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw.

31. Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap.

32. Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’

33. Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”

Mga Gawa 10