Mga Gawa 10:1-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelius. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano.

2. Siya at ang kanyang buong pamilya ay may takot sa Dios. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Judio, at palagi siyang nananalangin sa Dios.

3. Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Kitang-kita niya ang isang anghel ng Dios na pumasok at tinawag siya, “Cornelius!”

4. Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ang kailangan nʼyo?” Sumagot ang anghel, “Pinakinggan ng Dios ang iyong mga panalangin at natutuwa siya sa pagtulong mo sa mga mahihirap. Kaya inaalala ka ng Dios.

5. Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro.

6. Doon siya nakatira kay Simon na mangungulti ng balat. Ang bahay niya ay nasa tabi ng dagat.”

7. Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelius ang dalawa niyang utusan at ang isang sundalong makadios na madalas niyang inuutusan.

8. Ikinuwento ni Cornelius sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa.

9. Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay para manalangin. Tanghaling-tapat noon

10. at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios.

11. Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito.

12. At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad.

13. Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.”

14. Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.”

Mga Gawa 10