Mateo 8:3-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” Agad na gumaling ang kanyang sakit at luminis siya.

4. At sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kaninuman. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.”

5. Nang dumating si Jesus sa bayan ng Capernaum, pumunta sa kanya ang isang kapitan ng hukbong Romano at nakiusap:

6. “Panginoon, may sakit po ang aking utusan. Nakaratay siya sa bahay at nasa matinding paghihirap.”

7. Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.”

8. Pero sumagot ang kapitan, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Sabihin nʼyo na lang na gumaling siya, at gagaling na ang aking utusan.

9. Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kung ano pa ang iniuutos ko sa aking alipin, sinusunod niya.”

10. Namangha si Jesus nang marinig niya ito. At sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya.

11. Sinasabi ko rin sa inyo na maraming hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako ang kakaing kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa handaan ng paghahari ng Dios.

12. Ngunit maraming Judio, na paghaharian sana ng Dios, ang itatapon sa matinding kadiliman sa labas. At doon ay iiyak sila, at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”

13. At sinabi ni Jesus sa kapitan, “Umuwi ka na. Mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” At nang oras ding iyon ay gumaling ang utusan ng kapitan.

14. Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro. Pagdating niya roon, nakita niya ang biyenang babae ni Pedro na nakahiga at nilalagnat.

15. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinagsilbihan si Jesus.

16. Nang magtakip-silim na, maraming sinasaniban ng masasamang espiritu ang dinala ng mga tao kay Jesus. Sa isang salita lang, pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang mga may sakit.

17. Ginawa niya ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,“Kinuha niya ang ating mga sakitat inalis ang ating mga karamdaman.”

18. Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa kanyang paligid, inutusan niya ang mga tagasunod niya na tumawid sa kabila ng lawa.

19. May tagapagturo ng Kautusan na lumapit sa kanya at sinabi, “Guro, susunod po ako sa inyo kahit saan.”

20. Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon. Ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.”

21. Isa pa sa mga tagasunod niya ang nagsabi, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”

22. Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay.”

Mateo 8