7. “Humingi kayo sa Dios, at bibigyan kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang hinahanap nʼyo, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo.
8. Sapagkat ang lahat ng humihingi ay nakakatanggap; ang naghahanap ay nakakakita; at ang kumakatok ay pinagbubuksan.
9. Kayong mga magulang, kung ang anak ninyo ay humihingi ng tinapay, bibigyan ba ninyo ng bato?
10. At kung humihingi siya ng isda, bibigyan ba ninyo ng ahas?
11. Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya.
12. “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Ganyan ang tamang pagsunod sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta.”
13. “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, dahil maluwang ang pintuan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon.
14. Ngunit makipot ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay na walang hanggan, at kakaunti lang ang dumadaan dito.”
15. “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang mga maamong tupa, pero ang totoo, tulad sila ng mga gutom na lobo.
16. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Ang matitinik na halaman ay hindi namumunga ng ubas o igos.
17. Ang mabuting puno ay namumunga ng mabuting bunga, at ang masamang puno ay namumunga ng masama.
18. Ang mabuting puno ay hindi namumunga ng masama, at ang masamang puno ay hindi namumunga ng mabuti.
19. Ang lahat ng punong hindi namumunga ng mabuti ay pinuputol at itinatapon sa apoy.
20. Kaya nga, makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa kanilang mga gawa.”
21. “Marami ang tumatawag sa akin ng ‘Panginoon’, pero hindi ito nangangahulugan na makakapasok sila sa kaharian ng langit. Ang mga tao lang na sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang mapapabilang sa kanyang kaharian.