5. “Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga pakitang-tao. Mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sambahan at sa mga kanto ng lansangan para makita ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
6. Sa halip, kung mananalangin kayo, pumasok kayo sa inyong kwarto at isara ang pinto. At saka kayo manalangin sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.
7. “At kapag nananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan, tulad ng ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Akala nila ay sasagutin sila ng Dios kung mahaba ang kanilang panalangin.
8. Huwag nʼyo silang gayahin, dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man ninyo ito hingin sa kanya.
9. Kaya manalangin kayo ng katulad nito:‘Ama naming nasa langit,sambahin nawa kayo ng mga tao.
10. Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari,at masunod ang inyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11. Bigyan nʼyo po kami ng aming pagkain sa araw-araw.
12. Patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin.
13. At huwag nʼyo kaming hayaang matuksokundi iligtas nʼyo po kami kay Satanas.[Sapagkat kayo ang Hari, ang Makapangyarihan at Dakilang Dios magpakailanman!]’
14. Kung pinapatawad ninyo ang mga taong nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit.
15. Ngunit kung hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
16. “Kapag nag-aayuno kayo, huwag ninyong tularan ang mga pakitang-tao. Sapagkat sinasadya nilang hindi mag-ayos ng sarili para ipakita sa mga tao na nag-aayuno sila. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
17. Sa halip, kung mag-aayuno kayo, maghilamos at mag-ayos kayo ng sarili,
18. upang hindi malaman ng mga tao na nag-aayuno kayo, maliban sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”
19. “Huwag kayong mag-ipon ng kayamanan para sa inyong sarili rito sa mundo, dahil dito ay may mga insekto at kalawang na sisira sa inyong kayamanan, at may mga magnanakaw na kukuha nito.
20. Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit, kung saan walang insekto at kalawang na naninira, at walang nakakapasok na magnanakaw.
21. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.”
22. “Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan.
23. Ngunit kung malabo ang iyong mata, madidiliman ang buo mong katawan. Kaya kung ang nagsisilbing ilaw mo ay walang ibinibigay na liwanag, napakadilim ng kalagayan mo.”
24. “Walang taong makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”
25. “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, iinumin o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot.