33. “Narinig din ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Kapag ang tao ay nangako at nanumpa pa sa pangalan ng Panginoon, kailangang tuparin niya ito.’
34. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kung mangangako kayo, huwag kayong susumpa. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ dahil naroon ang trono ng Dios,
35. o ‘Saksi ko ang lupa,’ dahil ito ang tuntungan ng kanyang paa. At huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ dahil ito ang lungsod ng dakilang hari.
36. At huwag din ninyong sasabihing, ‘Kahit mamatay pa ako,’ dahil ni isang buhok mo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin.
37. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo, at ‘Hindi’ kung hindi; dahil kung manunumpa pa kayo, galing na iyan sa diyablo.”
38. “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Mata sa mata, ngipin sa ngipin.’
39. Ngunit sinasabi ko sa inyo na huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, iharap mo pa ang kaliwa.
40. Kung ihabla ka ng sinuman at kunin ang iyong damit, ibigay mo na rin pati ang iyong balabal.
41. Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng isang sundalo ang dala niya ng isang kilometro, dalhin mo ito ng dalawang kilometro.
42. Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo, at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”
43. “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Mahalin mo ang iyong kaibigan, at kapootan mo ang iyong kaaway.’
44. Ngunit sinasabi ko sa inyo na mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo.