Mateo 5:18-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hanggaʼt may langit at may lupa, kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay hindi mawawalan ng kabuluhan hanggaʼt hindi natutupad ang lahat.

19. Kaya ang sinumang lumabag sa pinakamaliit na bahagi ng Kautusan, at magturo sa iba na lumabag din ay ituturing na pinakamababa sa kaharian ng Dios. Ngunit ang sinumang sumusunod sa Kautusan, at nagtuturo sa iba na sumunod din ay ituturing na dakila sa kaharian ng Dios.

20. Kaya tandaan ninyo: kung hindi ninyo mahihigitan ang pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo sa kalooban ng Dios, hindi kayo makakapasok sa kaharian ng Dios.”

21. Sinabi pa ni Jesus, “Narinig ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Huwag kayong papatay, dahil ang sinumang pumatay ay parurusahan.’

22. Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang may galit sa kanyang kapatid ay parurusahan din. At ang humamak sa kanyang kapatid at magsabi sa kanya, ‘Wala kang silbi!’ ay dadalhin sa mataas na hukuman. At ang sinumang magsabi ng ‘Ulol ka!’ sa kanyang kapatid ay mapupunta sa apoy ng impyerno.

23. Kaya kung nasa altar ka at nag-aalay ng iyong handog sa Dios, at maalala mong may hinanakit sa iyo ang iyong kapatid,

24. iwanan mo muna ang handog mo sa harap ng altar. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at saka ka bumalik at maghandog sa Dios.”

Mateo 5