6. At sinabi niya kay Jesus, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, tumalon ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. At aalalayan ka nila upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.’ ”
7. Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”
8. Pagkatapos, dinala pa siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok, at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kayamanan at kadakilaan ng mga ito.
9. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo, kung luluhod ka at sasamba sa akin.”
10. Pero sinagot siya ni Jesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”
11. Pagkatapos nito, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel ng Dios at naglingkod sa kanya.
12. Nang mabalitaan ni Jesus na nakulong si Juan, bumalik siya sa Galilea.
13. Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali.
14. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
15. “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.
16. Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”
17. Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na ang paghahari ng Dios.”