Mateo 4:13-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali.

14. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:

15. “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.

16. Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”

17. Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na ang paghahari ng Dios.”

18. Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon (na tinatawag na Pedro) at Andres na naghahagis ng lambat.

19. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”

20. Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

Mateo 4