49. Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.”
50. Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.
51. Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato.
52. Nabuksan ang mga libingan at maraming banal ang muling nabuhay.
53. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem at marami ang nakakita sa kanila.
54. Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!”
55. Sa di-kalayuan ay maraming babae na nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Jesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan.
56. Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedee.
57. Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus.
58. Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya.